E-type lang ang katanungan sa loob ng box at pindutin ang search salawikain sawikain
Custom Search

Halimbawa ng Parabula Ang Bata At Ang Aso

Halimbawa ng Parabula Ang Bata At Ang Aso

Si Boyet ay may alagang aso. Ang tawag niya dito ay Tagpi. Puting-puti ang makapal na balahibo ni tagpi. Sa bandang likod ay maroon itong isang malaking Tagpi na kulay itim. Iyon ang dahilan kung bakit tagpi ang itinawag ni Boyet sa kanyang aso. Mahal na mahal niya si Tagpi. Palagi niya itong pinaliliguan. Binibigyan niya ito ng maraming masasarap na pagkain at tubig. Madalas din niya itong ipinapasyal.

"Habol, Tagpi!" sigaw niya habang nakikipag unahan siya sa pagtakbo sa alaga.

Isang araw ay may naligaw na aso sa lugar nina boyet. Kasing laki ni tagpi ang aso pero kulay tsokolate ito. Manipis ang balahibo ng tsokolateng aso kaya hindi ito magandang tingnan. Marami pang putik sa katawan kaya mukha rin itong mabaho. Hindi ito katulad ni Tagpi na ubod ng linis dahil araw-araw niyang pinaliliguan.

Nakita ng tsokolateng aso si Tagpi. Lumapit ito sa bakod nila at tinahulan ang kanyang alaga. Gagalawgalaw pa ang buntok ni Tagpi na parang tuwang-tuwa.

Hindi nagustuhan ni Boyet na makikipaglaro si Tagpi sa marungis na aso. Binugaw niya ang aso pero ayaw nitong umalis.



"Tsuu,tsuu!" bugaw niya rito.

Ayaw umalis ng aso, panay ang tahol nito kay Tagpi. Nainis si Boyet. Kumuha siya ng mahabang patpat at hinampas niya ang aso. Nabuwal ito at nag-iiyak.

Hahampasin sana muli ni Boyet ang kulay tsokolateng aso para tuluyan nang umalis pero dumating ang kanyang tatay, agad siyang inawat nito.

"Huwag mong saktan ang aso, Boyet" sabi ng kanyang ama.

"Ang baho po kasi, itay! Baka mamaya ay mahawa pa sa kanya si Tagpi," katwiran niya.

"Paano kung si Tagpi ang mapunta sa ibang lugar at saktan din siya ng mga bata doon. Magugustuhan mo ba iyon?" tanong ng ama.

Hindi nakasagot si Boyet. Napahiya siya.

Tinulungan nilang makatayo ang aso. Pinabayaan na niya itong makipaglaro kay Tagpi.

Halimbawa ng Parabula Ang Alkansya ni Boyet

Halimbawa ng Parabula Ang Alkansya ni Boyet

Mahirap lamang ang pamilya ni Boyet. Ang ama niyang si Mang Delfin ay isang magsasaka subalit walang sariling lupa. Inuupahan lamang nito ang tinatamnan ng palay. Ang ina naman niyang si Aling Pacing ay simpleng maybahay lamang. Sampung taon na si Boyet. Siya ang panganay sa kanilang apat na magkakapatid. Sa pasukan ay nasa ika-apat na baitang na siya ng mababang paaralan.

Kapag ganitong bakasyon ay sinasamantala ni Boyet ang pagkakataon. Gumagawa siya ng alkansiyang kawayan. Panahon ng pamumunga ng bungangkahoy sa kanilang bakuran, dahil maluwang ang kanilang bakuran ay maraming punong namumunga. Pinipitas nila ng kanyang inay ang ay mga bunga at itinitinda iyon sa palengke.

Mabili ang kanilang mga tindang prutas. Kapag nakaubos sila ng paninda ay agad siyang binibigyan ng pera sa kanyang inay.

"Salamat po, inay. Mayroon na naman akong panghulog sa aking alkansiya." masayang sabi ni Boyet.

"Hayaan mo anak, bago siguro maubos ang mga bunga ng ating mga puno ay mapupuno na ang alkansiya mo. Sabi ng kanyang inay.


Napuno nga ang alkansiya ni Boyet. Masipag kasi siyang mag-ipon.

Nang malapit na ang pasukan ay nagkaroon ng malakas na bagyo nasira ang mga tanim na palay ng tatay ni Boyet. Kakaunti lang ang kanilang inani. Nagkautang ang kanyang itay, Nag-alala naman ang inay ni Boyet. Malapit na ang pasukan at nawala ang inaasahan nilang pangaagalingan ng pera.

"Baka hindi ka makapag-aral ngayong taong ito, anak," malungkot na sabi ng kanyang inay.

"Nasira ang mga pananim natin dahil sa bagyo at may utang pa tayo."

"Makakapagaral po ako, inay. Puno na po ang alkansiya ko ito ang gagamitin ko sa aking pag-aaral," nakangiting sabi ni Boyet.

Nakapag-aral si Boyet ng pasukang iyon. Salamat at naisipan niyang mag-impok para sa darating na pangangailangan.

Halimbawa ng Parabula - Ang Espesyal na Panauhin

Halimbawa ng Parabula - Ang Espesyal na Panauhin

Si Dona Inez ay isang mayaman. Isang araw ay nanaginip si Dona Inez. Sa kanyang panaginip ay nakausap niya si Hesus.

"Dadalawin kita sa bahay mo bukas." Sabi ni Hesus.

"Opo. Hihintayin ko po kayo!" sabi niya.

Masayang masaya si Dona Inez ng magising. Dadalawin kasi siya ng Panginoon.

Maaga kung gumising si Dona Inez pero mas maaga siyang bumangon ng araw na iyon. Agad niyang inutusan ang lahat ng katulong sa bahay na maglinis na mabuti. Nagpaluto rin siya ng masasarap na pagkain. Espesyal ang kanyang bisita at dapat lang maging espesyal ang lahat ng makikita nito. Mga alas-diyes ay handa na ang lahat. Malinis na malinis na ang bahay. Luto na ang mga pagkain. Naayos na ang mga bulaklak sa sala at komedor. Bihis na rin si Dona Inez. Suot niya ang mga alahas niya at magandang damit.

Isang batang pulubi ang dumating at nanghingi ng pagkain. Itinaboy ito ni Dona Inez sa halip na bigyan ng pagkain.



Bandang tanghali ay isang matandang gusgusin naman ang dumating. Uhaw na uhaw ito at gutom na gutom.

"Pahingi ng kaunting pagkain at tubig pakiusap ng matanda."

Itinaboy din ito ni Dona Inez dahil mabaho ang matanda. Ayaw niyang maabutan ito ng espesyal niyang panauhin.

Nang makapananghali ay isa namang buntis ang dumating. Humingi din ito ng tulong pero hindi rin niya binigyan. Itinaboy din niya ito.

Maghapon siyang naghintay ngunit hindi dumating ang espesyal niyang panauhin.

Kinagabihan ay muling nanaginip si Dona Inez. Nakita niyang muli si Hesus. Sinumbatan niya ito.

"Naghanda ako at naghintay ngunit hindi kayo dumating," sabi ni Dona Inez.

"Nagkakamali ka," sagot ni Hesus. Sa katotohanan ay tatlong beses akong dumating pero hindi mo ako nakilala."

Nang magising si Dona Inez ay naalala niya ang tatlong pulubing kanyang itinaboy.