May apat ng uri ng bigkas sa Filipino.
MALUMAY. Ang mga salitang may malumay na bigkas ay binibigkas nang dahan-dahan at may diin sa pagbigkas sa ikalawang pantig buhat sa hulihan. Ito ay hindi ginagamitan ng anumang tuldik o palatandaan. Ang salitang malumay ay maaaring magtapos sa patinig o katinig.
Halimbawa ng mga salitang may malumay na bigkas:
buhay, malumay, kubo, baka, kulay, babae, dahon, apat
MALUMI. Ang bigkas na malumi ay tulad sa bigkas ng mga salitang malumay. Ito’y binibigkas nang dahan-dahan at may diin sa ikalawang pantig buhat sa hulihan. Ang ipinagkaiba lamang ng dalawang pagbigkas na ito ay ang impit na tunog sa dulo ng mga salitang malumi. Palaging nagtatapos sa tunog patinig ang malumi. Ginagamit natin ang tuldik na paiwa (\) sa pagpapakilala ng mga salitang binibigkas nang malumi.
Halimbawa ng mga salitang may malumi na bigkas:
binatà, barò, ligò, lahì, dalirì, kawalì, batà, nenè, luhà, tiyanggè, susì, tamà, malayà, lupà, panlapì
MABILIS. Ang mga salitang mabilis ang bigkas ay binibigkas nang tuluy-tuloy na ang diin ay nasa huling pantig. Wala itong impit na tunog. Maaaring magtapos ang mga salitang binibigkas nang mabilis sa katinig o patinig. Ginagamitan ito ng tuldik na pahilis (/) na inilalagay sa ibabaw ng huling patinig ng salita.
Halimbawa ng mga salitang may mabilis na bigkas:
amá, diláw, aklás, pitó, litó, kahón, bulaklák, hulí, buwán, tuliró
MARAGSA. Ang mga salitang maragsa ay binibigkas nang tuluy-tuloy na tulad ng mga salitang binibigkas nang mabilis, subalit ito’y may impit o pasarang tunog sa hulihan. Tulad ng malumi, ito ay palagiang nagtatapos sa tunog na patinig. Ginagamit dito ang tuldik na pakupya (/\) na inilalagay sa ibabaw ng huling patinig ng salita.
Halimbawa ng mga salitang maragsa ang bigkas:
akdâ, pasâ, humulâ, ginawâ, tumulâ, tulê, hindî, hapdî, gawî, tupî, malî, kumolô, gintô, wastô,
MGA KATEGORYA NG ARALING PILIPINO
Mga Alamat
Mga Bayani
Mga Bugtong
Mga Epiko
Mga Katutubong Kanta
Mga Pabula
Mga Parabula
Mga Sawikain o' Idyoma
Mga Salawikain
Mga Pambansang Sagisag
Pangulo ng Pilipinas
Wikang Filipino