Si Pilandok ay nahatulang ikulong ng isang masamang Sultan sa isang kulungang bakal at itapon sa dagat dahil sa paghihimagsik na kaniyang ginawa.
Pagkalipas ng ilang araw, ang Sultan ay nanggilalas nang makita si Pilandok sa kaniyang harapan na nakasuot ng magarang kasuotan ng Sultan. Nakasukbit sa kaniyang baywang ang isang kumikislap na ginintuang tabak.
"Hindi ba't itinapon ka na sa dagat?" nagtatakang tanong ng Sultan kay Pilandok.
"Siya pong tunay, mahal na Sultan," ang magalang na tugon ni Pilandok. "Paanong nangyaring ikaw ay nasa harap ko at nakadamit nang magara? Dapat ay patay ka na ngayon," ang wika ng Sultan.
"Hindi po ako namatay, mahal na Sultan, sapagkat nakita ko po ang aking mga ninuno sa ilalim ng dagat nang ako'y sumapit doon. Sila po ang nagbigay sa akin ng kayamanan. Sino po ang magnanais na mamatay sa isang kahariang masagana sa lahat ng bagay?" ang paliwanag ni Pilandok.
"Marahil ay nasisiraan ka ng bait," ang sabi ng ayaw maniwalang Sultan. "Nalalaman ng lahat na walang kaharian sa ilalim ng dagat.”
"Kasinungalingan po iyan! Bakit po naririto ako ngayon? Ako na ipinatapon ninyo sa gitna ng dagat. Ako na ikinulong pa ninyo sa hawla ay naririto ngayon at kausap ninyo," ang paliwanag ni Pilandok. "May kaharian po sa ilalim ng dagat at ang tanging paraan sa pagtungo roon ay ang pagkulong sa hawla at itapon sa gitna ng dagat. Ako po'y aalis na at marahil ay hinihintay na ako ng aking mga kamag-anak."
Umakmang aalis na si Pilandok.
"Hintay," paghinto ng Sultan kay Pilandok. "Isama mo ako at nais kong makita ang aking mga ninuno, ang Sultan ng mga Sultan at ang iba ko pang kamag-anak."
Tatawagin na sana ng Sultan ang mga kawal ngunit pinigil siya ni Pilandok at pinagsabihang walang dapat makaalam ng bagay na iyon. Dapat daw ay mag-isang pupunta roon ang Sultan sa loob ng isang hawla.
"Kung gayon ay ilagay mo ako sa loob ng hawla at itapon mo ako sa gitna ng dagat," ang sabi ng Sultan.
"Sino po ang mamumuno sa kaharian sa inyong pag-alis?" ang tanong ni Pilandok. "Kapag nalaman po ng iba ang tungkol sa sinabi ko sa inyong kaharian sa ilalim ng dagat ay magnanais silang magtungo rin doon.”
Sandaling nag-isip ang Sultan at nakangiting nagwika, "Gagawin kitang pansamantalang Sultan, Pilandok. Mag-iiwan ako ngayon din ng isang kautusang ikaw ang pansamantalang hahalili sa akin."
"Hintay, mahal na Sultan," ang pigil ni Pilandok. "Hindi po ito dapat malaman ng inyong mga ministro."
"Ano ang nararapat kong gawin?" ang usisa ng Sultan. "Ililihim po natin ang bagay na ito. Basta't ipagkaloob ninyo sa akin ang inyong korona, singsing, at espada. Pag nakita ang mga ito ng inyong kabig ay susundin nila ako," ang tugon ni Pilandok.
Pumayag naman ang Sultan. Ibinigay na lahat kay Pilandok ang hinihingi at isinakay sa isang bangka. Pagdating sa gitna ng dagat ay inihagis ang hawlang kinalululanan ng Sultan. Kaagad lumubog ang hawla at namatay ang Sultan. Mula noon si Pilandok na ang naging Sultan.