E-type lang ang katanungan sa loob ng box at pindutin ang search salawikain sawikain
Custom Search

Halimbawa ng Parabula - Ang Magkapatid

Halimbawa ng Parabula - Ang Magkapatid
Sina Lito at Mario ay magkapatid, Panganay si Mario at bunso naman si Lito. Ang magkapatid ay parehong may sinasakang bukid. Pamana sa kanila ng yumaong mga magulang ang kani-kanilang bukid na tinataniman nila ng palay. Pareho silang maraming inaning palay. Inimbak nila sa kanilang kamalig ang kanilang mga ani.

Habang nakahiga ng gabing iyon si Lito ay naisip niya ang kapatid na si Mario. May asawa ito at tatlong anak. Siya naman ay binata. naisip niyang mas kailangan ni Mario ang maraming palay. Kumuha siya ng isang kabang palay sa kanyang kamalig at palihim niyang dinala iyon sa kamalig ni Mario.

Si Mario naman ay nag-iisip din ng gabing iyon. Naisip niyang kawawa naman ang kanyang kapatid na si Lito dahil walang asawa at mga anak na titingin dito. Naisip niyang bigyan ito ng palay. Kumuha siya ng isang kaban sa kanyang kamalig palihim niyang dinala iyon sa kamalig ni Lito.


Nagtaka si Lito ng bilangin niya ang natirang palay sa kanyang kamalig. Parang hindi nabawasan. Ganoon din si Mario. Wala din bawas ang kanyang aning palay sa kanyang kamalig. Kaya ng gabing iyon, muli siyang nagdala ng isang kaban sa kamalig ni Lito. Ganoon din naman ang ginawa ni Lito, nagdala ito ng isang kaban sa kamalig ni Mario. At pareho silang nagtaka nang sumunod na araw na bilangin nila ang kanilang palay sa kamalig. Parehong walang bawas ang mga iyon.

Nang sumunod pang gabi ay pareho silang bumuhat ng tig-isang kaban para dalhin sa kamalig ng bawat isa. Hindi sinasadyang magkasalubong sila. Nagkagulatan ang magkapatid. Hindi na sila nagtanong sa isa't-isa kung saan dadalhin ang pasan nilang palay.

"Kuya", bulalas ni Lito at wala nang nasabi.

"Lito, kapatid ko!" sambit naman ni Mario at wala naring nasabi.

Yumakap sila sa isa't-isa. Nag-uumapaw ang pagmamahal sa kanilang mga puso.

Andres Bonifacio Bayani ng Pilipinas

Andres Bonifacio Bayani ng Pilipinas

Andres Bonifacio
Buhay: November 30, 1863 - May 10, 1897 (33 taong gulang)

Ang Ama ng Himagsikan 
Ang Ama ng Katipunan
Ang Dakilang Maralita

Ang buong pangalan ni Andres Bonifacio ay  Andrés Bonifacio y de Castro. Ipinanganak siya sa Tondo, Maynila. Siya ay panganay sa limang anak nina Santiago Bonifacio at Catalina de Castro.

Edukasyon ni Andres Bonifacio
Si Andres Bonifacio ay walang pormal na edukasyon. Nagsimula siyang mag-aral sa paaralang Don Guillermo Osmena ngunit siya'y maagang nahinto sa pag-aaral bunga na rin sa kahirapan. Subalit hindi naging hadlang ang kahirapan upang siya ay matuto. Marunong siyang bumasa at sumulat. Magaling rin siya sa pagsasalita sa wikang Kastila. Ito ay dahil sa kanyang sariling pagsisikap.

Mahilig siyang magbasa at ginugugol niya ang libreng oras niya sa pagbabasa. Ilang sa mga librong nabasa niya ay ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Jose Rizal, Les Miserables ni Victor Hugo, at The Wandering Jew ni Eugene Sue.


Ang Katipunan ni Andres Bonifacio
Ang kanyang mga nabasa ang nagsilbing inspirasyon upang itatag niya ang Katipunan o' KKK (Kataastaasang Kagalanggalangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan). Ang layunin ng kapisanang ito ay magkaisa ang mga Pilipino at mag-alsa laban sa mga Kastila upang makamit ang kalayaan. Naging katulong niya si Emilio Jacinto sa Katipunan.

Naging asawa niya si Gregoria de Jesus, isang taga-Caloocan. Si Gregoria ay napabilang sa mga babaeng kasapi ng KKK.

Noong ika-23 ng Agosto, taong 1896 ay pinangunahan niya ang pagpunit ng sedula at iwinagayway ang mga bandilang pula, hudyat ng pagsisimula ng himagsikan laban sa Kastila. Ang makasaysayan pangyayaring ito ay tinawag na "Unang Sigaw Sa Pugadlawin".

Andres Bonifacio Bayani ng Pilipinas

Ang Kamatayan ni Andres Bonifacio
Makalipas ang ilang taon, ang katipunang itinatag ni ANdres Bonifacio ay nahati sa dalawang grupo - ang Magdalo na pinamumunuan ni Emilio Aguinaldo at ang Magdiwang na pinamumunuan niya. Dumating ang puntong hindi naging maganda ang relasyon ng dalawang grupo.

Noong ika-22 ng Marso, taong 1897, nagtatag ang mga Pilipino ng Rebolusyonaryong Gobyerno kung saan si Emilio Aguinaldo ang presidente. 

Si Andres Bonifacio at ang kanyang kapatid na si Procopio Bonifacio ay nadakip ng mga tauhan ni Emilio Aguinaldo. Sila ay iniharap sa isang paglilitis at nahatulan ng parusang kamatayan.

Si Andres Bonifacio at Procopio Bonifacio ay binaril at namatay noong ika-10 ng Mayo taong 1897 sa Bundok Buntis na nasasakupan ng lalawigan ng Cavite.

Dr Jose Protacio Rizal Pambansang Bayani ng Pilipinas

Dr Jose Protacio Rizal Pambansang Bayani ng Pilipinas

 Jose Protacio Rizal 
Buhay:  Hunyo 19, 1861 — Disyembre 30, 1896 (35 taong gulang)

Ang Pambansang Bayani ng Pilipinas

Isang henyo, manggagamot, manunulat, inhenyero, makata, linguista, siyentipiko, manlalakbay, ekonomista, iskultor, edukador, anthropologist, bitanist, at pilantropo.

Si Jose P. Rizal ay isinilang sa Calamba, Laguna noong Hunyo 19, 1861. Ang buo niyang pangalan ay Jose Protacio Rizal Mercado y Alonzo Realonda. Ang kanyang palayaw ay PepeSiya ay pampito sa labing-isang anak nina Francisco Engracio Rizal Mercado y Alejandro at Teodora Morales Alonso Realonda y Quintos. Bukod tanging siya lamang sa magkakapatid ang gumagamit ng apelyidong Rizal.

Edukasyon ni Jose P. Rizal
Ang nagsilbing unang guro ni Rizal ay ang kanyang ina. Sa murang edad na tatlong taon ay marunong na siyang bumasa. Siyam na taon siya nang mag-aral sa Binan, Laguna sa eskuwelahang pinamamahalaan ni Justiniano Cruz. Pumasok siya sa Ateneo Municipal de Manila noong taong 1872. Nag-aral din siya sa Unibersidad ng Santo Tomas ngunit saglit lamang dahil sa hindi nagustuhan ang paraan ng pagtuturo rito. Ipinagpatuloy niya ang pag-aaral sa Europa. 

Propaganda Movement ni Jose P. Rizal
Si Jose P. Rizal ay kasapi ng kilusang Propaganda, isang kilusan ng mga Pilipino na nagsikap matamo ang pagbabago sa pamamahala ng Kastila sa Pilipinas tungo sa mapayapang paraan.

Mga Sagisag-panulat na ginamit ni Dr. Jose P. Rizal
P. Jacinto, Dimas-alang, at Laong-laan

Noli Me Tangere at El Filibusterismo - Ang Dalawang Obra Maestra ni Dr. Jose Rizal
Noli Me Tangere at El Filibusterismo - Ang Dalawang Obra Maestra ni Dr. Jose Rizal

Ang dalawang nobelang obra maestra ni Jose P. Rizal ay ang nobelang Noli Me Tangere na sa tagalog ay Huwag Mo Akong Salingin at El Filibusterismo na sa tagalog ay Ang Filibusterero. Ang mga nobelang nabanggit ay tumutuligsa sa pang-aabuso ng pamahalaang Kastila at mga paring Kastila sa Pilipinas. Ang mga nobelang ito ang naging dahilan upang ituring na kaaway si Jose P. Rizal ng mga Kastilang namamahala sa Pilipinas at siya ring naging mitsa ng kanyang maagang kamatayan.


La Liga Filipina
Itinatag ni Dr. Jose P. Rizal ang La Liga Filipina noong ika-3 ng Hulyo, taong 1892. Makalipas ang apat na araw, ipinatapon siya sa Dapitan dahil sa bintang na siya'y may kinalaman sa kilusan ukol sa paghihimahsik nang mga araw na yaon.

Sa Dapitan, Si Jose P rizal ay nanggamot ng maysakit. Nagtayo rin siya ng munting paaralan at nagturo sa labing-apat na mga bata. Dito rin niya nakilala sa Josephine Bracken, ang kanyang naging kabiyak.

Si Jose P. Rizal ay pinaratangan nagpakilos sa himagsikang inumpisahan ni Andres Bonifacio. Siya ay nilitis, at nahatulan ng parusang kamatayan. Siya ay binaril noong ika-30 ng Disyembre, taong 1896 sa Bagumbayan. Ang bagumbayan ay kilala ngayon bilang Luneta o' Rizal Park.

Halimbawa ng Parabula - Ang Babaing Balo

Halimbawa ng Parabula Ang Babaing Balo

Isang matandang lalaki ang lumapit sa isang babaing balo. Gusgusin ang matandang lalaki. Mukha itong gutum na gutom. Taggutom noon sa lugar na iyon, mahirap ang pagkain.

"Mayroon ka bang makakain diyan?" tanong ng matandang pulubi sa balo.

"Ilang araw na kasing hindi nalalamnan ang aking sikmura. Parang hihimatayin na ako sa gutom."

"Mayroon po akong isang dakot na harina at katiting na langis." Sagot ng balo.

"Lulutuin ko nga po para makakakain kami ng aking anak bago kami mamatay na dalawa."

"Kung lulutuin mo ay bigyan mo naman ako." Sabi ng matandang pulubi.

"Sige po dito lang po kayo at maghintay." Sabi ng babae.

Sinimot ng babaing balo ang harina sa lalagyan at ang katiting na langis. Sinimulan niyang iluto iyon para maging tinapay. Iyon na ang kahulihulihang patak ng harina at langis sa lalagyan niya. Ngayong ubos na ang mga iyon, hindi niya alam kung paano pa sila kakain ng kaniyang anak. Siguro'y mamamatay na lamang sila sa gutom.

Maliit lang ang nalutong tinapay. Tatlo silang kakain. Siya, ang kanyang anak na lalaki at ang matandang pulubi. Kahit sa kanilang dalawa nang kanyang anak ay hindi na kakasya ang maliit na tinapay na iyon. Hinati niya ang tinapay sa dalawa. Ang kalahati ay ibinigay niya sa matandang pulubi.

Ang kalahati ay itinira niya para sa kaniyang anak. Siya ay magtitiis na lamang ng gutom.




Nakakain ang matandang pulubi. Nasisiyahan itong nagpaalam sa kanya.

"Maraming salamat," anang matandang pulubi. "pagpalain ka sa iyong kabutihang loob."

Inihatid niya ng tanaw ang matanda hanggang mawala ito sa paningin. Pagkatapos ay tinungo niya ang anak na natutulog. Gigisingin na niya ito para kumain.

Naudlot siya ng paglapit sa anak napatingin kasi siya sa lalagyan niya ng langis. Nagulat siya ng makitang puno iyon ng langis gayong kanina ay wala nang laman iyon. Nagtataka siyang lumapit, binuksan din niya ang lalagyan ng harina. At nakita niyang puno rin iyon gayong kanina ay wala nang laman. Natapos ang taggutom sa lugar na iyon na hindi nauubos ang harina at langis ng babaing balo.