E-type lang ang katanungan sa loob ng box at pindutin ang search salawikain sawikain
Custom Search
Showing posts with label Kwentong Bayan. Show all posts
Showing posts with label Kwentong Bayan. Show all posts

Si Mariang Mapangarapin | Halimbawa ng Kwentong Bayan

Ang "Si Mariang Mapangarapin" ay isang halimbawa ng kwentong bayan. Maari lamang na e-play ang video sa baba:



Magandang dalaga si Maria. Masipag siya at masigla. Masaya at matalino rin siya. Ano pa't masasabing isa na siyang ulirang dalaga, kaya lang sobra siyang pamangarapin. Umaga o tanghali man ay nangangarap siya. Lagi na lamang siyang nakikitang nakatingin sa malayo, waring nag-iisip at nangangarap nang gising. Dahil dito, nakilala siya sa tawag na Mariang Mapangarapin. Hindi naman nagalit si Maria bagkos pa ngang ikinatuwa pa yata niya ang bansag na ikinabit sa pangalan niya.

Minsan niregaluhan siya ng isang binata ng isang dosenang dumalagang manok. Tuwang-tuwa si Maria! Inalagaan niyang mabuti ang alaalang bigay sa kanya ng iisang manliligaw niya. Nagpagawa siya sa kanyang ama ng kulungan para sa mga manok niya. Higit sa karaniwang pag-aalaga ang ginawa ni Maria. Pinatuka niya at pinaiinom ang mga ito sa umaga, sa tanghali at sa hapon. Dinagdagan pa ito ng pagpapainom ng gamot at pataba. At pinangarap ni Maria ang pagdating ng araw na magkakaroon siya ng mga inahing manok na magbibigay ng maraming itlog. 

Lumipas ang ilang buwan hanggang sa dumating ang araw na nag-itlog ang lahat na inahing manok na alaga ni Maria. Labindalawang itlog ang ibinibigay ng mga inahing manok araw-araw. At kinuwenta ni Maria ang bilang ng itlog na ibibigay ng labindalawang alagang manok sa loob ng pitong araw sa isang linggo. Kitang-kita ang saya ni Maria sa kanyang pangarap.

At inipon na nga ni Maria ang itlog ng mga inahing manok sa araw-araw. Nabuo ito sa limang dosenang itlog. At isang araw ng linggo ay pumunta sa bayan si Maria. Sunong niya ang limang dosenang itlog. Habang nasa daan ay nangangarap nang gising si Maria. Ipagbibili niyang lahat ang limang dosenang itlog. Pagkatapos, bibili siya ng magandang tela, ipapatahi niya ito ng magandang bistida at saka lumakad siya ng pakendeng-kendeng. Lalong pinaganda ni Maria ang paglakad nang pakendeng-kendeng at BOG!

Nahulog ang limang dosenang itlog! Hindi nakapagsalita si Maria sa kabiglaan. Saka siya umiyak nang umiyak. Naguho ang kanyang pangarap kasabay ng pagbagsak ng limang dosenang itlog na kanyang sunung-sunong.

Naging Sultan si Pilandok (Kuwentong-bayan ng mga Maranaw)


Si Pilandok ay nahatulang ikulong ng isang masamang Sultan sa isang kulungang bakal at itapon sa dagat dahil sa paghihimagsik na kaniyang ginawa.

Pagkalipas ng ilang araw, ang Sultan ay nanggilalas nang makita si Pilandok sa kaniyang harapan na nakasuot ng magarang kasuotan ng Sultan. Nakasukbit sa kaniyang baywang ang isang kumikislap na ginintuang tabak.

"Hindi ba't itinapon ka na sa dagat?" nagtatakang tanong ng Sultan kay Pilandok.

"Siya pong tunay, mahal na Sultan," ang magalang na tugon ni Pilandok. "Paanong nangyaring ikaw ay nasa harap ko at nakadamit nang magara? Dapat ay patay ka na ngayon," ang wika ng Sultan.

"Hindi po ako namatay, mahal na Sultan, sapagkat nakita ko po ang aking mga ninuno sa ilalim ng dagat nang ako'y sumapit doon. Sila po ang nagbigay sa akin ng kayamanan. Sino po ang magnanais na mamatay sa isang kahariang masagana sa lahat ng bagay?" ang paliwanag ni Pilandok.

"Marahil ay nasisiraan ka ng bait," ang sabi ng ayaw maniwalang Sultan. "Nalalaman ng lahat na walang kaharian sa ilalim ng dagat.”

"Kasinungalingan po iyan! Bakit po naririto ako ngayon? Ako na ipinatapon ninyo sa gitna ng dagat. Ako na ikinulong pa ninyo sa hawla ay naririto ngayon at kausap ninyo," ang paliwanag ni Pilandok. "May kaharian po sa ilalim ng dagat at ang tanging paraan sa pagtungo roon ay ang pagkulong sa hawla at itapon sa gitna ng dagat. Ako po'y aalis na at marahil ay hinihintay na ako ng aking mga kamag-anak."

Umakmang aalis na si Pilandok.

"Hintay," paghinto ng Sultan kay Pilandok. "Isama mo ako at nais kong makita ang aking mga ninuno, ang Sultan ng mga Sultan at ang iba ko pang kamag-anak."

Tatawagin na sana ng Sultan ang mga kawal ngunit pinigil siya ni Pilandok at pinagsabihang walang dapat makaalam ng bagay na iyon. Dapat daw ay mag-isang pupunta roon ang Sultan sa loob ng isang hawla.

"Kung gayon ay ilagay mo ako sa loob ng hawla at itapon mo ako sa gitna ng dagat," ang sabi ng Sultan.

"Sino po ang mamumuno sa kaharian sa inyong pag-alis?" ang tanong ni Pilandok. "Kapag nalaman po ng iba ang tungkol sa sinabi ko sa inyong kaharian sa ilalim ng dagat ay magnanais silang magtungo rin doon.”

Sandaling nag-isip ang Sultan at nakangiting nagwika, "Gagawin kitang pansamantalang Sultan, Pilandok. Mag-iiwan ako ngayon din ng isang kautusang ikaw ang pansamantalang hahalili sa akin."

"Hintay, mahal na Sultan," ang pigil ni Pilandok. "Hindi po ito dapat malaman ng inyong mga ministro."

"Ano ang nararapat kong gawin?" ang usisa ng Sultan. "Ililihim po natin ang bagay na ito. Basta't ipagkaloob ninyo sa akin ang inyong korona, singsing, at espada. Pag nakita ang mga ito ng inyong kabig ay susundin nila ako," ang tugon ni Pilandok.

Pumayag naman ang Sultan. Ibinigay na lahat kay Pilandok ang hinihingi at isinakay sa isang bangka. Pagdating sa gitna ng dagat ay inihagis ang hawlang kinalululanan ng Sultan. Kaagad lumubog ang hawla at namatay ang Sultan. Mula noon si Pilandok na ang naging Sultan.
Naging Sultan si Pilandok, Kuwentong-bayan ng mga Maranaw