E-type lang ang katanungan sa loob ng box at pindutin ang search salawikain sawikain
Custom Search
Showing posts with label mga alamat. Show all posts
Showing posts with label mga alamat. Show all posts

Alamat ng Saging

Ang Alamat ng Saging. E-play lang po ang video sa baba



Noong unang panahon ay may isang napakagandang prinsesa, kaya siya ay tinawag na Mariang Maganda. Ang kanilang kaharian ay malapit sa isang maliit na gubat na kung saan ay malayang nakakapamasyal ang mayuming kagandahan. Ang gubat ay puno ng iba't ibang magaganda, makukulay, at mababangong mga halamang namumulaklak. Nakagawian na ng prinsesang mamitas at mamasyal sa tila bang perpekting hardin para lamang sa isang prinsesang katulad niya.

Isang araw sa kanyang pamamasyal ay may nakilala siyang isang bagong mukha. Isang makisig na binata na halos kaedad din ng magandang prinsesa. May kakaibang naramdaman ang prinsesa sa makisig na binata na iyon. Lingid sa kaalaman ng prinsesa gayundin ang nararamdaman ng bagong kakilala sa kanya.

Nagpakilala ang binata bilang isang prinsipe ng isang malayo at kaibang kaharian. Araw-araw nagkita at nagkasama ang dalawa sa kagubatan hanggang sa magtapat ang prinsipe sa dalaga ng kanyang pag-ibig na malugod namang tinanggap ng prinsesa dahil sa parehas nitong nararamdaman. Habang sila ay magkasamang namamsyal sa kagubatan ay nagpasya silang magulayaw sa ilalim ng mabangong halaman na madalas ipagmalaaki ng prinsesa.

"Hindi maipagkakailang maganda ang bulaklak ng halamang ito Mariang Maganda, ngunit higit na mas maganda at mabango ang mga halaman at bulaklak sa aming kaharian." sambit ng prinsipe habang hinahaplos ang pisngi ng iniirog.

"Bakit, saan ba ang iyong kaharian?" malambing na tugon ng prinsesa.

"Ang aming kaharian ay hindi kayang marating ng taong may katawang lupa." ang mahiwagang pagsagot ng prinsipeng tila ba mag agam-agam.

"Bakit hindi?" ang natigilang pagtatanong ni Mariang Maganda habang pinagmamasdan ang malungkot na mukha ng prinsipeng kanyang iniibig.

"Kailangan ko ng bumalik sa aming kaharian dahil kung hindi ay hindi na tayo muling magkikita pa. Nais sana kitang isama subalit hindi talaga maari ang mga kagaya ninyo sa aming kaharian. Paalam na irog."

"Nais ko sanang magkita tayong muli dito sa halamanang ito mamayang gabi. Hihintayin kita." pagtangis ng prinsesang nalulungkot sa paglisan ng kanyang minamahal. "Sisikapin ko, irog." pangako ng prinsipe kay Mariang maganda. Nang gabi ngang iyon ay hinintay ni Mariang Maganda ang kanyang iniirog. Bago pa man maghatinggabi ay dumating nga ang prinsipe at lubos na nalugod ang nag-aalalang prinsesa. Magkahawak kamay silang namasyal sa gubat ng magagandang halaman na ang buwan at mga bituin ang tumatanglaw sa kanilang dinadaanan. Kung anu ano ang kanilang pinag-usapan hanggang sa bigla na lang napabalikwas ang prinsipe na tila ba may ttumawag sa kanya.

"Kailangan ko ng lumisan mahal ko. Hindi ako maaring abutan ng hatinggabi, kapag hindi ako umalis ngayon ay hindi na ako makakabalik pa sa amin. Iyong pakakatandaan na ikaw lamang ang aking iniibig." at ginawaran ng isang matamis na halik ang labi ng naguguluhang si Mariang Maganda.

Hindi matanggap na malisan sa kanyang iniibig ay mahigpit nyang hinawakan ang kamay ng prinsipe. Pilt mang hinila ng prinsipe ang kamay ay di nito magawang makawala sa pagkakahawak ng prinsesa. Sa kanilang paghihilahan ay bigla na lamang naglaho na parang bula ang prinsipe ngunit naiwan sa kamay ng prinsesa ang dalawang putol na kamay ng prinsipe. Sa takot ay napabalikwas ang prinsesa at tinungo ang isang malapit na hukay. Doon itinapon at ibinaon ni Mariang Maganda ang mahiwagang kamay ng kanyang tinawag na irog.

Muling nagbalik ang prinsesa sa kagubatan matapos ng ilang araw para makita lamang na may kakibang halaman na tumubo kung saan niya ibinaon ang mahiwagang kamay ng prinsipe. Malalapad ang mga dahon ng halaman na ito at walng mga sanga. Matapos ng ilang araw ito ay namulaklak. Araw-araw na bumalik ang prinsesa sa kagubatan hanggang ang bulaklak ay napalitang ng bynga. Ang bunga ng kakaibang halaman at tila ba kamay na nag-iimbita. Ito na ang kauna-unahang saging.
alamat ng saging, saging alamat

Alamat ng Sampalok

E-play lang po ang video na nasa baba. Ito po ang Alamat ng Sampalok.

Noong unang panahon ay may isang matandang babae na naninirahan sa tabi ng ilog. Wala siyang ginagawa kundi ang maglinis ng kanyang bakuran at diligin ang kanyang mga pananim.

Isang araw, may nanghingi ng kanyang ilang pananim. Ang matanda ay nagalit at pinalayas ang bata. Madamot ang matanda tuwing may pupunta sa kanyang tahanan upang humingi ng tulong, agad niyang pinalalayas ang mga ito.

Minsan ay isang diwata ang nagpanggap na isang babaeng madungis. Humingi siya ng makakain. Nagalit ang matanda at pinalayas ang babaeng madungis. Nagalit ang diwata sa ginawa ng madamot na matanda.

Dahil sa iyong pagiging labis na madamot, kahit na marami ka namang pananim na maaring ibahagi sa iyong kapwa, ikaw ay aking paparusahan. Sa ilang saglit ang matandang babae ay naglaho at ang lugar na dating kinatitirikan ng kanyang bahay ay naging lawa.

Sa katagalan ng panahon ang lawa ay natuyo at may tumubong isang puno. Ang lahat ng taong napapadaan sa nasabing puno’y napapahinto dahil sa dami ng bungang nakasabit sa mga sanga. Ngunit natatakot silang pumitas dahil hindi nila alam kung maaring kainin ito.

Isang binata ang napadaan at tinangkang kumain ng bunga ng puno. Itinapon nito agad ang nasabing bunga pagkatikim dahil sa sobrang asim. Nasabi ng binata na ang bunga ay katulad ng matandang madamot na dating nakatira sa lugar na iyon. Punung-puno ng bunga ang puno, ngunit sobrang asim naman ng laman.

Alamat ng Durian Filipino Aralin


Noong unang panahon may isang Sultan na nagngangalang Makan-ali.  Nagpakasal siya sa isang katulong.  Nagkaroon sila ng anak na babae at tinawag nila itong Duri. 
Hindi namana ni Duri ang magandang mukha ng kanyang ina kaya walang manligaw sa kanya.  Ngunit sa kabila ng pangit na mukha ni Duri ay mayroon naman siyang malinis at magandang kalooban.
Naging malungkot ang buhay ni Duri.  Bagamat masagana ang kanyang buhay ay malungkot pa rin siya sapagkat wala siyang kaibigan.  Lahat ng kasing-edad niya ay nangagsipag-asawa na.  At lalo pang nalungkot sapagkat masaya ang mga ito sa piling ng kanilang pamilya.
Sa labis na kalungkutan ay nagkasakit si Duri.  Lahat ng gamot ay sinukuban na ngunit hindi pa rin siya gumagaling.
alamat ng durian

Isang gabi ay nakarinig siya ng isang napakagandang awit. Napakalambing nito at labis siyang naakit.  Pinilit niyang bumangon kahit nanghihina ang kanyang katawan at hinanap ang pinagmulan ng awit.  Kinabukasan ay natagpuan na lamang ng kanyang magulang si Duri na wala nang buhay malapit sa tabing dagat.  Ipinalibing siya ng kanyang magulang sa gilid ng kabundukan.
Maraming taon ang lumipas at nakalimutan ng mga tao si Duri.  Isang araw ay napansin nila ang isang puno sa lugar na pinaglibingan kay Duri.  Ang bunga nito ay tulad ng langka ngunit napakasama ng amoy.
Iniwasan ng mga tao ang lugar na iyon sapagkat ang bunga na nababalot ng tinik ay napakasama ng amoy.  Itinulad nila ang bunga kay Duri ang dalagang inilibing sa lugar na iyon.

Araling Pilipino - Ang Alamat ng Rosas

Alam niyo ba kung ano ang alamat ng Rosas? Gusto niyo ba ang bulaklak na ito? Para sa karamihan, ang bulaklak na rosas ay maganda at sumisimbolo ng pag-ibig. Maganda at kaaya-aya subalit sa kanyang anking kagandahan, mayroon itong mga tinik at kailangang hawakan ng dahan dahan upang hindi ka masugatan. Narito ang "Alamat ng Rosas"


Noong araw ay may isang magandang dalagang nagngangalang “Rosa,” na balita sa kanyang angking kagandahan, kayumian, at kabaitan. Maraming nangangayupapa sa kanyang kagandahan. Ngunit ni isa sa mga ito ay hindi niya mapusuan.

Dahil ang gusto ni Rosa ay ang maglingkod sa Panginoon at sa pagtulong sa mga nangangailangan ng kanyang tulong. Ngunit si Cristobal, isang mahigpit niyang mangingibig, ay di makapapayag na di mapasakanya ang dalaga, at ito’y nagtangkang agawin si Rosa at dinala ito sa hardin.
Ngunit nananalangin si Rosa sa Panginoon at noon di’y siya’y naging bangkay. Sa takot ni Cristobal ay ibinaon niya ang dalaga sa bakuran nito at saka siya lumayo sa pook na iyon upang di na magbalik kailanman.

Mula noon ay hindi na nakita ng mga taga roon si Rosa. Sa halip, sa bakuran nito ay may isang halamang tumubo na may bulaklak ngunit paghawak sa tangkay nito ay mapapasigaw ka dahil sa talas ng tinik ng halamang hinahawakan. Dahil niloob ito ng Panginoon na gawing bulaklak si Rosa na ang tangkay ay may mga tinik na tagapangalaga rito upang di-pagnasaang pupulin lamang ng sinuman.
alamat ng rosas, alamat ng bulaklak

Alamat ng Kasoy

E-play ang video sa baba:

Noong unang panahon ay nasa loob ng kasoy ang abuhing buto nito. Lungkut na lungkot ang buto sapagkat madilim na madilim sa loob ng kasoy. Lalo itong nalungkot nang malamang magdaraos ng isang handaan ang Adang kagubatan. Sa gabi ng handaan ay ipinatawag ng Ada ang lahat ng hayop at halaman.

Ang buong kagubatan ay nagliliwanag sa tama ng mga ilaw ng parol ng mga Alitaptap. Ang huni ng mga Kuliglig at kokak ng mga Palaka ay sumasaliw sa awit ng mga Maya. Masayang kasayaw ng mga Kuneho ang mga Usa, ng mga Elepante ang mga Tamaraw, ng Zibra ang Tsonggo. Kapareha naman ni Kangkong ang Sitaw, ni Mangga ang Dalanghita, ni Saging ang Papaya.

Lahat ay nagsasayaw. Lahat ay kumakanta. Masayang-masaya ang kagubatan. Bukod tanging ang buto ng kasoy ang lungkut na lungkot.

“Mabuti pa sila, nakikita ang masayang paligid. Heto ako, nakakarinig ng awit at tawanan pero hindi naman nakikita ang katuwaan.”

Naulinigan ng makapangyarihang Ada himutok ng Buto.

“Gusto kong maging maligaya ka. May kahilingan ka ba?”

“Ayoko pong nakakulong sa madilim na lugar na kinalalagyan ko. Naiinggit ako sa ibang hayop at halaman na tuwang-tuwa kapag may handaan sa kagubatan. Nakakasama sila sa pagsasaya. Hindi lang nila naririnig kundi nakikita pa ang katuwaan ng lahat. Maawa kayo, mahal na Ada. Gawan ninyo ng paraang makalabas po sana ako sa pagkakakulong ko sa loob ng prutas na ito.”

Naantig ang maawaing damdamin ng mahal na Ada. Iwinasiwas nito ang nagniningning na pananglaw. Sa isang iglap ay nakalabas sa madilim na kulungan ang Buto.”

Masayang-masayang napanood ng Buto ng Kasoy ang sayawan, kantahan, at pagkakatuwaan ng mga hayop at halaman.

Ang malakas na pagkokak ng mga Palaka at paghuni ng mga Kuliglig ay sumaliw sa awit ng mga Maya. Sa tuwa ng Elepanteay kumembut-kembot ito sa pag-indak. Napapasabay din sa pagimbay ang mahagway na Kawayan kasama ang Pagong na nagbababa at nagtataas ng bahay-bahayan.

Hatinggabi na nang iwasiwas na muli ng butihing Ada ang kaniyang makinang na pananglaw. Hudyat iyon ng pamamahinga. Pinatay na ng mga Alitaptap ang parol nila.

Nalungkot ang Buto nang dumilim na ang paligid. Nahahalinhan ng takot at lungkot nang kumulog at kumidlat. Napansin ng Buto na nagsipagtago ang mga hayop sa mga kuweba. Mahigpit namang ikinabit ng mga halaman ang mga ugat sa ilalim ng lupa.

Tulad ng dapat asahan, bumuhos na ang malakas na ulan. Takot at kinakaliglig sa lamig ang Buto.

“Ga…Ganito pala sa labas. Ma…Mamamatay ka sa sobrang ginaw. Mabibingi ka sa ingay ng kulog. Malamang na tamaan ka pa ng kidlat. A…Ayoko na sa labas.”

Hindi pinakinggan ng Ada ang abuhing Buto ng Kasoy. Bilang panghabambuhay na parusa ay pinamalagi ng Adang manatili sa labas ng Kasoy ang abuhing Buto nito.

Iyan ang Alamat ng Kasoy at ng di nito makuntentong Buto.
Alamat ng Kasoy


Alamat ng Buwitre

Alamat ng Buwitre, alamat ng hayop

Napakatagal na panahon na ang nakararaan ng mangyari ang pagsumpa ng mga magulang sa isang batang babae na may pangalang Bereti. Si Bereti ay mula sa angkan na may maalwang buhay. May malawak na lupain ang kanyang mga magulang. Marami silang pananim. Marami rin silang mga alagang hayop. Bunso si Bereti at paborito ng ama. Dala marahil na nakakamit ang lahat kaya may hinahanap si Bereti sa buhay. Ibig niyang maranasan ang mga bagay na kaiba sa kinalakihan.

Si Aling Juana ang tagalaba ng pamilya. May anak itong laging isinasama sa paglalaba. Ito si Karing. Halos magkasing-edad sila ni Bereti kaya madaling nagkalapit ang mga loob. Ani Karing ay naiinggit ito kay Bereti dahil nakukuha ang lahat ng gusto. Ang sabi naman ni Bereti ay naiinggit kay Karing dahil marami itong bagay na nararanasan na hindi niya nararanasan.

Mula noon ay laging magkasama ang dalawa. Mabait ang pamilya ni Aling Juana kaya panatag ang loob ng ama't ina ni Bereti. Nalaman ni Bereti na madalas sumala sa oras sina Karing. Kapag walang makain ay naghuhukay ng mga gabi, tugi o anumang halamang ugat sina Karing para maipantawid-gutom. Nagkakasya rin ang pamilya na mamulot ng mga tirang pagkain na maaari pang pakinabangan.
Hindi maunawaan ni Bereti ngunit eksayted siya sa buhay nina Karing. Nakikihukay siya ng mga halamang ugat at namumulot ng tirang pagkain. Nakikisalo siya sa pamilya at totoong nasisiyahan siya. Galit ng galit ang ama ni Bereti nang may nakapagsabi na namumulot at kumakain ng tirang pagkain ang anak. Hinanap nito si Bereti noon din. Gulat na gulat ang ama nang makita si Bereti kasama ng ilan pang mga bata na hila ang isang kamama-tay na kambing. Ani Bereti ay kinagat ng malaking aso ang kambing kaya namatay. Aniya pa ay kakarnehin nila ang kambing para kainin.

Nagpuyos sa galit ang ama. Kinagalitan si Bereti at pinauwi ngunit ayaw sumunod ng bata.

"Kung ang gusto mo ay kumain ng mga tira at karne ng mga namatay na hayop, sige, magpakabusog ka. At para mas maging masaya ka, habang buhay sanang ganyan na lang ang kainin mo!" wika ng ama.

Kinabukasan ay nawala si Bereti. Sa halip, isang ibong kahawig ng agila ang nakitang kumakain ng isang patay na baka.

Ayon sa marami ay si Bereti ang ibong iyon na isinumpa ng ama. Tinawag silang Bereti ang ibon pero dahil hindi pa gaanong marunong bumigkas ang isang bata ay buwitre kung tawagin ito. Mula noon ay tinawag ng buwitre ang ibon.

Ang Alamat ng Makahiya

Alam niyo ba ang Alamat ng Makahiya? Ang Makahiya ay isang uri ng halaman na tinuturing na damong ligaw. Maaring nakita niyo na ito lalo na noong kabataan ninyo habang naglalaro sa labas ng bahay. Madalas itong tumutubo saan man sa mabababang lugar sa buong kapuluan ng Pilipinas. Kilala ang Makahiya dahil sa katangian nito na tumitiklop ang dahon kapag hinawakan. Ang mga sanga nito ay napalilibutan ng tinik at may bulaklak na kulay rosas.

Narito ang Alamat ng Makahiya...

Noong araw, may isang halamang ligaw na tumutubo sa gubat. Ito ay napakaganda. Ang dahon nito ay pinung-pino. Ang bulaklak nito ay kulay lila na kikislap-kislap tulad ng mga bituin. Dahil dito, naging mapagmalaki ang halamang ligaw.

Minsan, umulan nang malakas. Ang masipag na si Langgam na naghahakot ng inipong pagkain ay inabot ng ulan sa daan. Lumaki ang tubig kaya umakyat si Langgam sa pinakamalapit na halaman. Nagkataong ito pala ang halamang ligaw.



Nagalit ang halamang ligaw. Ipinagtabuyan niya ang kaawa-awang si Langgam Inuga niya ang kanyang mga tangkay kaya nahulog sa tubig ang kaawa-awang si Langgam. Naawa si Alitaptap kay Langgam. Pumitas siya ng dahon at inianod sa tubig. Kumapit dito si Langgam at siya ay nasabit sa Punong Tubo. Pinatuloy siya ni Tubo at binigyan pa siya ng pagkain.

Ang buong pangyayari ay nakita ni Diwata, ang makatarungang pinuno ng hayop at halaman. Pinagkalooban niya ng gantimpala ang maawaing si Tubo at si Alitaptap. Binigyan ni Diwata ng ilaw si Alitaptap at ginawa niyang matamis ang Punong Tubo. Samantala pinarusahan ni Diwata ang palalo at mapagmalaking halamang ligaw. Nawala ang taglay nitong bango at siniputan ng mga tinik ang kanyang katawan. Nahiya ang halamang ligaw kaya itinitikom niya ang kanyang mga dahon tuwing ito'y masasaling. Mula noon, nakilala ang halamang ligaw sa tawag na Makahiya.

Alamat ng Ampalaya

Mahilig ba kayo sa gulay na ampalaya? Bakit kaya mapait ang amlapaya? Bakit kaya kapag ka ang tao ay laging galit, binibiro itong at tinatawag na "bitter" sa buhay at baka raw mahilig kumain ng ampalaya? Alam niyo ba kung ano ang Alamat ng Ampalaya?

Noong araw, sa bayan ng Sariwa naninirahan ang lahat ng uri ng gulay na may kanya-kanyang kagandahang taglay.
Si Kalabasa na may kakaibang tamis, si Kamatis na may asim at malasutlang kutis, si Luya na may anghang, si Labanos na sobra ang kaputian, si Talong na may lilang balat, luntiang pisngi ni Mustasa, si Singkamas na may kakaibang lutong na taglay, si Sibuyas na ma manipis na balat, at si Patola na may gaspang na kaakit-akit.
Subalit may isang gulay na umusbong na kakaiba ang anyo, siya si Ampalaya na may maputlang maputlang kulay, at ang kanyang lasang taglay ay di maipaliwanag.
Araw araw, walang ginawa si Ampalaya kung hindi ikumpara ang kanyan itsura at lasa sa kapwa niya gulay, at dahil dito ay nagbalak siya ng masama sa kapwa niyang mga gulay.
Nang sumapit ang gabi kinuha ni Ampalaya ang lahat ng magagandang katangian ng mga gulay at kanyang isinuot.
Tuwang tuwa si Ampalaya dahil ang dating gulay na hindi pinapansin ngayon ay pinagkakaguluhan. Ngunit walang lihim na hidi nabubunyag nagtipon tipon ang mga gulay na kanyang ninakawan.
Napagkasunduan nilang sundan ang gulay na may gandang kakaiba, at laking gulat nila ng makita nilang hinuhubad nito isa-isa ang mga katangian na kanilang taglay, nanlaki ang kanilang mga mata ng tumambad sa kanila si Ampalaya.
Nagalit ang mga gulay at kanilang iniharap si Ampalaya sa diwata ng lupain, isinumbong nila ang ginawang pagnanakaw ni Ampalya. Dahil dito nagalit ang diwata at lahat ng magagandang katangian na kinuha sa mga kapwa niya gulay.
Laking tuwa ni Ampalaya dahil inisip niya na iyon lamang pala ang kabayaran sa ginawa niyang kasalanan. Ngunit makalipas ang ilang sandali ay nag iba ang kanyang anyo.
Ang balat niya ay kumulubot dahil ang kinis at gaspang na taglay ni upo at kamatis ay nag-away sa loob ng kanyang katawan maging ang mga ibat-ibang lasa ng gulay ay naghatid ng di magandang panlasa sa kanya at pait ang idinulot nito, at ang kanyang kulay ay naging madilim.