Ang Dama De Noche, (cestrum nocturnum,) ay kilala rin sa tawag na Lady Of The Night at Night Blooming Jasmine. Marami ang may gusto sa bulaklak na ito dahil ito ay mabango.
Alam niyo ba kung ano ang alamat ng Dama de Noche?
Sa isang kaharian sa Mindanao, may isang Sultan na ubod ng tapang. Dahil sa kanyang katapangan ay maraming kaaway ang kanyang nagapi. Ang Sultan ay ipinalalagay na pinakamasuwerteng hari dahil sa bukod sa kanyang katapangan ay mayroon pa siyang isang anak na dalaga na ubod naman ng ganda.
Maraming mga mahaharlikang binata ang nanliligaw sa dalaga nguni't wala sa panlabas na anyo ang kanyang hinahanap. Ang nais niya ay iyong kagandahang nagmumula sa kalooban ng tao.
Hindi naman nagtagal at si Mayuri, ang anak ng Sultan, ay nakatagpo ng lalaking kanyang hinahanap. Siya ay si Ramen, ang bago nilang hardinero. Mabait at maginoo si Ramen kung kaya't si Mayuri ay nahumaling sa kanya. Hindi nagtagal at ang dalawa ay nagkaibigan nguni't ito ay lingid sa kaalaman ng amang Sultan ni Mayuri. Tuwing gabi lamang sila nagniniig ni Ramen sa halamanan.
Nagkukunwaring nangunguha ng bulaklak para sa kanyang silid si Mayuri at si Ramen naman ay nagdidilig.
Waring nakahalata ang hari sa kakaibang sigla ng kanyang anak. Sinubaybayan niya si Mayuri at natuklasan niya ang pag-iibigan nina Mayuri at Ramen. Sa labis na galit, ipinatapon ng Sultan ang binata sa ilog na maraming buwaya.
Sa labis na kalungkutan ni Mayuri sa hindi na pagsipot ni Ramen sa kanilang tagpuan ay umiyak siya nang umiyak. Alam niyang may nangyaring hindi maganda sa kanyang mahal. Hindi niya alam na ang kanyang ama ang may kagagawan ng lahat.
"Mahal kong Allah, yaman din lamang at wala na ang aking mahal, hinihiling ko po na ako ay mawala na rin. Ang luha kong ito ay gawin ninyong mga bulaklak na sa gabi lamang humahalimuyak ang bango. Sa pamamagitan lamang po nito maaring maalala ng aking ama na ang kanyang anak ay nawala sa kadiliman ng gabi." ang samo ni Mayuri.
Pagkawika ng mga katagang iyon ay unti-unting nagbago ang anyo ng dalaga. Naging puno ito at namunga ng mga bulaklak na hugis luha at nagsasabog lamang ng bango sa gabi.
Dahilan sa gabi lamang nalalanghap ang bango ng bulaklak, ito ay tinatawag na "Dama de Noche" ang ibig sabihin ay "dalaga sa gabi".
No comments:
Post a Comment